Skip to main content
Mother cradling child and putting a pacifier in the baby's mouth.
Mother cradling child and putting a pacifier in the baby's mouth.

LOS ANGELES, CA — Ang mga tagapagtaguyod, pamilya, at provider ng pangangalagang pambata ay nagbibigay-liwanag sa kalagayan ng pangangalagang pambata sa Los Angeles at humihingi ng pagkilos para baguhin ang sistema ng pangangalagang pambata sa pamamagitan ng bagong kampanya na A Golden State For Kids (AGS4K). Ang A Golden State For Kids, na pinamumunuan ng Child Care Alliance of Los Angeles (CCALA) na nakikipagtulungan sa mga tagapagtaguyod ng pangangalagang pambata na Children Now, The Children’s Partnership, Crystal Stairs, Inc., at UNITE-LA, ay nagsisikap sa paglikha ng California kung saan walang paghihirap sa pamilya sa paghahanap o kakayahang magbayad sa pangangalaga para sa mga batang 0 hanggang 3 taong gulang. Nagsimula ang kampanya ngayong umaga sa pamamagitan ng webinar, na nagtatampok ng mga tagapagtaguyod, magulang, at provider ng A Golden State For Kids.

“Ang California ay ang nangunguna sa bansa sa napakaraming isyu, at maaaring ito ang pinakamagandang lugar sa pagtataguyod ng buhay at pagpapamilya. Para umunlad ang ating estado, dapat nating unahin ang pangangalagang pambata para maalagaan ng mga pamilya, provider, at komunidad ang bawat sanggol at bata sa paraang mapagkalinga at mapagsuporta,” saad ni Cristina Alvarado, Tagapangasiwang Direktor ng CCALA. “Napakahalaga ng pag-access sa pangangalagang pambata—at ang pagbabago sa sistema ng pangangalagang pambata sa mga 0 to 3 taong gulang ay simpleng solusyon na dapat kilalanin ng mga pinuno ng county at estado bilang agarang priyoridad.”

Simula nang maganap ang mga malawakang sunog noong Enero 2025, lubos na tumindi ang pangangailangan sa maaasahan at abot-kayang pangangalagang pambata sa County ng Los Angeles. Libo-libong pamilya at provider ng pangangalagang pambata ang kinailangang lumikas o lubos na nasalanta ng malawakang sunog sa Eaton at Palisades, na nagbibigay-diin sa kahinaan ng sistema ng pangangalagang pambata at sa napakahalagang tungkulin nito sa mga buhay ng mga pamilyang nagtatrabaho. Ang malawakang sunog ay nakasira sa maraming lugar at nagpasara ng maraming pasilidad ng pangangalagang pambata, na nagdulot at lumikha ng agarang pangangailangan sa mas malaking pamumuhunan sa imprastruktura para sa pangangalagang pambata at mga pagsisikap sa pagbangon.

Ang mga pamilya sa buong estado ay matagal nang nahihirapang maghanap at mag-access ng pangangalaga sa gitna ng krisis sa pagiging abot-kaya ng California. Lalo pang pinahirap ng malawakang sunog ang mga hamong ito, na nagbigay-linaw sa lawak ng krisis.

  • Mahigit 100 lugar na nagbibigay ng pangangalagang pambata ang naapektuhan sa panahon ng malawakang sunog noong Enero. Sa mga ito, 47 ang nawasak.
  • Bago pa man ang malawakang sunog, nakaranas ang county ng kakulangan sa mahigit 33,000 tagapagturo sa maagang yugto na kinakailangan para matugunan ang kasalukuyang demand.
  • Ang karaniwang halaga ng pangangalagang pambata para sa mga sanggol sa California ay mahigit $1,800 kada buwan, kaya mas nagiging mahirap para sa mga pamilyang nahaharap sa mga hamong dulot ng malawakang sunog na makamit ang de-kalidad na pangangalaga.

Kapag may krisis, ang pangangalagang pambata ang isa sa mga unang sistemang tinatamaan—at ang isa sa pinakakinakailangan sa pagbangon. Ang A Golden State for Kids ay Naninindigan kasama ang mga pamilya at provider para manawagan para sa mga agarang at pangmatagalang solusyon na nagpoprotekta at nagpapatatag sa imprastruktura ng pangangalagang pambata ng California.

“Sa loob ng halos 20 taon, pinangalagaan ko ang mga bata ng Timog Los Angeles—sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng edukasyon, pagkalinga, at sa pagsuporta sa kanilang mga pamilya,” saad ni Judith Terrell, isang provider na nagseserbisyo sa bahay. “Ang mga provider ng pangangalagang pambata ay mga tagapagturo, tagapag-alaga, at pinagkakatiwalaang sistema ng suporta para sa mga pamilya. Ang A Golden State For Kids ay tungkol sa pagkilala sa pagpapahalagang iyon at pagtiyak na nasa mga bata, pamilya, at komunidad ang mga pundasyong kailangan nila para magtagumpay.”

Unang ilulunsad ang AGS4K sa County ng Los Angeles, na may planong palawakin ang saklaw sa buong estado sa 2026. Dahil ang mga pederal na programang tulad ng Head Start ay nahaharap sa pagsasara at nagbabanta sa dati nang sistemang maliit ang pagpopondo, lumalaking priyoridad para sa lahat ng taga-California ang mga solusyon sa pagpapahusay ng pag-access sa pangangalagang pambata. Para matuto pa, bumisita sa AGoldenStateforKids.org.

###

Tungkol sa A Golden State For Kids

Pinapagkaisa ng A Golden State For Kids ang mga pamilya, mga tagapag-alaga, organisasyon na nagtataguyod ng mga bata, at negosyo para makagawa ng demand para sa naa-access na pangangalagang pambata. Ang kampanya, na pinamumunuan ng Child Care Alliance of Los Angeles na nakikipagtulungan sa Children Now, Crystal Stairs, Inc., UNITE-LA, at The Children’s Partnership, ay kumikilos kasama ang mga partner para pahusayin ang pag-access sa pangangalagang pambata sa Los Angeles at sa buong estado. Ang A Golden State for Kids ay pinopondohan ng Stein Early Childhood Development Fund na may suporta mula sa California Community Foundation.

Mga Karagdagang Pahayag mula sa Mga Partner ng A Golden State For Kids

Stacy Lee, Punong Opisyal sa Pagkatuto at Pangunahing Direktor sa Pamamahala, Maagang Yugto ng Pagkabata sa Children Now:

“Lubos na nakakabahala na ang karamihan sa mga kabataan ay hindi naniniwalang posibleng magkaroon ng sapat na kakayahang pinansyal upang mamuhay at magpamilya sa California. Ang magandang balita ay ito ay isang suliraning masosolusyonan natin. Kapag ginawang mas naa-access ang pangangalagang pambata, makakatipid ang mga pamilya ng hanggang $17,000 kada taon—perang puwede mapunta sa pagkain, tirahan, at pang-araw-araw na pangangailangan. Ang California ang dapat manguna sa bansa kung saan walang pamilyang nahihirapang maghanap o magbayad ng pangangalagang pambata. Nakasalalay rito ang kinabukasan nating lahat.”

Eva Rivera, Direktor ng Pagtataguyod, Pag-develop sa Maagang Yugto ng Pagkabata sa The Children’s Partnership:

“Kung gusto natin ng magandang kinabukasan para sa bawat taga-California, oras na para gawing priyoridad ng lahat ang pangangalaga sa mga batang 0 hanggang 3 taong gulang. Nasa pangangalagang pambata ang pundasyon para sa panghabambuhay na kalusugan at kapakanan na nakakaapekto sa ating estado sa mga darating na taon. Ang mga matatag at mapagkalingang ugnayan sa mga nakatatanda sa buhay ng bata ang kaibuturan ng magandang pag-develop ng pag-iisip, at ang de-kalidad at abot-kayang pangangalagang pambata ay nagbibigay-daan sa mga bata na magtagumpay sa paaralan, bumuo ng mga magagandang ugnayan, at makaranas ng mga pangmatagalang benepisyo sa kalusugan.”

Jacqueline Vorhauer, Direktor ng Mga Ugnayang Panlabas sa Crystal Stairs, Inc.:

“May napakahalagang tungkulin ang mga provider sa paghubog ng kinabukasan ng California sa pamamagitan ng paglikha ng pundasyon para sa tagumpay ng mga bata. Pero kapag lampas 60% ng mga provider ang nag-uulat ng problema sa pagbabayad ng mga sarili nilang pagkain at bayarin, nanganganib tayong mawalan ng napakahalagang lakas-paggawa na ito. Hindi natin kakayaning mawala ang mga propesyonal na pumapasan sa napakabigat na responsibilidad na ito na pag-develop ng kabataan, at pagtiyak na makakapasok sa trabaho ang mga magulang. Dapat baguhin ng California ang mga kasalukuyang sistema at gumawa ng mga bago at napagpapatuloy na modelo para umunlad ang mga bata at provider.”

Humberto Manuel Estratalán, Direktor ng Pampublikong Patakaran sa UNITE-LA:

“Kung mas matagal tayong maghihintay bago wasakin ang mga hadlang sa de-kalidad na pangangalagang pambata, mas malaki ang mawawala sa ating ekonomiya—nasa bilyon-bilyong dolyar. Tumutulong sa mga negosyo ang pangangalagang pambata sa pagpapanatiling bukas ng kanilang mga pinto: kapag may access ang mga empleyado sa pangangalagang pambata, sila ay makakapagpatuloy sa kanilang trabaho at magiging mas produktibo. Sa pamamagitan ng pagtiyak na makakatanggap ang ating mga anak na 0 hanggang 3 taong gulang ng pangangalagang kailangan nila, nakakalikha tayo ng mas matatag at mas masiglang California kung saan lahat tayo ay sama-samang makakapagtagumpay.”

Tingnan ang Layunin Namin para sa A Golden State For Care →